Mga tinig na tila may hinanakit ang gumising sa akin isang umaga. Mga tinig na mula sa mga taong pinakamalalapit sa aking puso - sina ama't ina.

Sa maikling sandali pa lang ng aking narinig, nalaman ko ang paksa ng kanilang diskusyon, ang K+12.

Bilang isang mag-aaral, ay batid ko na ang tungkol dito. Ang K+12 ay isinulong ng Kagawaran ng Edukasyon na umoobliga sa mga magulang ng na pag-aralin sa Kindergarten ang kanilang mga anak at ang pagdaragdag ng dalawa pang taon sa mataas na paaralan.

Nababatid ko ang magandang hangarin ng kagawaran para sa pagbabago ng sistema ng edukasyon sa bansa, at para sa lubos na pakatuto ng mga bata. Tayo na lang din kasi sa Pilipinas ang apat na taon pa rin ang high school. Malinaw sa aking isipan ang layuning isinusulong ng DepEd sa kalidad ng edukasyong nais nitong makamit.

Ngunit nababatid ko rin ang ugat ng hinanakit sa tinig ng aking mga magulang. Walang pasubaling may pagtutol sa kanilang mga isipan.

Nabuo na ang kanilang mga pangarap at plano sa pagtatapos ko ng anim na taon sa elementarya at apat na taon sa sekundarya at lima o apat na taong igagapang nila sa kursong aking mapipili sa kolehiyo. Unti-unting gumuguho iyon sa kanilang mga isipan.

Nakaramdam ako ng panghihina ng magunita ko ang kasalukuyang kagalayan ng aming paaralan. Marumi ang mga palikuran, at mahirap na ring pagkatiwalaan ang mga pasilidad. Hindi ko mawari kung makakaya pa bang iraos ang dagdag na mga taon at mag-aaral.

Para sa aking mga magulang, hindi K+12 ang solusyon ngayon. Ito'y dagdag lamang sa mga gastusin at bayarin.

K+12. Kakayanin ng aking isipan at kakayahan ang mga dagdag na taon. Ang hindi ko lang alam, ay kung makakaya pa ba akong pag-aralin ng pamamasada sa tricycle ni papa at paglalaba ni nanay.

Maswerte talaga ang mga maykaya sa panahon natin ngayon.

Sana, kung panaginip lang ang lahat ng ito, ay hindi na muna ako nagising.



Leave a Reply.